Sunday, September 23, 2012

Alaxan atbp.


May ibinigay na hamon sa akin ang aking kaibigan. Kailangan ko raw gumawa ng isang maikling kuwento tungkol sa dalawang tauhan. Si Anna at si Anton. Ito ang mga katangian ng dalawa na kailangang maging bahagi ng kuwento

Anna = Estudyante sa UP Diliman, anak ni “Manang”na ang may-ari ng sari-sari store sa UP, BA Social Work ang kanyang kurso, Presidente ng Bantay Bata at ng UP Auxiliary, Mahilig tumambay sa isaw stall sa tabi ng Palma Hall, responsible at mabait na bata, aalis na para magtrabaho para sa isang NGO sa Mindoro

Anton = Mayaman, mayroong mga bahay sa Forbes at Corinthians, coño, guwapo, ayaw sa mga sari-sari store, sa salitang “barkada” at sa tsinelas, ang kanyang kotse ay isang Lamborghini o Maserati

Kailangan daw gumamit ng isang “unreliable point of view”. Ibig sabihin nito ay ang tauhan na nagkukuwento ng kuwento ay maaring naguguluhan o nalilito.

Naisip ko na isulat ang kuwneto sa pananaw ni “Manang”. Ito ang maikling kuwento na nasulat ko:

Alaxan
Nasaan ako? Ah! Nandito ako sa aking kuwarto sa taas ng aking sari-sari istor. Araaayy! Dios ko naman! Ang ulo ko! Ang sakit. Nananaginip ata ako! Para akong malulunod sa aking mga ala-ala. Sandali lang. Ano itong hawak ko? Hiringgilya! Droga ba ito? Hindi na ako umiinom ng pills ah! Hmmm…nakakapagtaka…Matagal na akong hindi nagdrudrugs! Sinubukan kong isaayos ang aking mga iniisip. Naririnig ko na ang aking mga kustomer! May mga tao na sa aking tindahan! Gusto na ata nilang bumili ng chichiria at Milo! Naririnig ko sila “Manang! Manang!” sigaw nila. Ay! Natatandaan ko na! Alam ko na! Kailangan kong ayusin ang aking tindahan! Kailangan kong ayusin ang listahan ng mga produkto. May mga kailagan akong ayusin at kailangan ko na bumili ng mga biskwit! Sandali lamang hindi ba nagawa ko na ito? Kahapon? Noong Huwebes ba? Teka lang! Huwebes ba kahapon? Hindi, hindi. Sigurado ako na Biyernes kahapon. Pero kung Biyernes kahapon tapos Huwebes ako pumunta ng supermarket e di ano ang nangyari kahapon? Hay! Bahala na hindi ko na alam. May tumatawag galing sa ibaba. Bakit hindi inaasikaso ni Anna? Anna! Ang minamahal ko na anak! Siya na siguro ang aking iisang tagumpay sa buhay. Natutuwa ako na nakakatulong siya sa mga ibang tao! Tignan mo iyon! UP na tapos BA Social Work pa ang kanyang kurso! Anghel talaga iyong batang iyon! Presidente pa ng Bantay Bata at ng UP Auxilliary. Bata pa lamang siya ay natutuwa ako dahil alam niya ang kahalagahan ng buhay! Hindi kagaya sa akin noong bata ako. Drugs lamang ang inaatupag. Araw-araw pupunta ng mga club, magdamag sumasayaw at umiinom! Hanggang isang araw ay nabuntis ako! Ay! Wala na ako masyado naaalala! Nanganak ako! Ang ganda ni Anna…pero sandal lang! Nahihilo na naman ako… dalawang malalaking mga mata na kakulay ng karamelo na kendi na ibinibenta ko sa aking tindahan. Dalawang pares ng kamay, dalawang mga labi at mukha! May isa pa ba? Si Anna lamang diba? Diba? Diba? Dalawa. Natatandaan ko na. Pinangalanang ko sila, si Budoy ang panganay at ang pangalawa ay si Anna…ang sakit ng ulo ko. Iyong mga droga na iyan ay parang iyong mga iniinom ko noon pero tumigil ako… Hininto ko ang pagiging isang addict dahil…dahil…kay Anna! Ano ulit ang kailangan kong gawin? Ah! Ang despedida ni Anna! Sabi ng aking kumare na nagbebenta ng isaw sa may Palma Hall ay natanggap daw si Anna ng isang NGO sa Mindoro. Hindi pa niya ibinabanggit sa akin… bakit kaya? Baka nag-aalala siya na umiyak na naman ako. Ang baby ko ay nagiging dalaga na! Mamimiss ko talaga siya! Sapagkat, kami lamang ang bumubuo ng isang pamilya sa mga nakalipas na taon. Si Anna ang rason kung bakit ako nagbago ng buhay…pagkatapos…pagkatapos na ibinigay ko sa iba ang aking anak! Paano ko nagawa iyon?! Isa akong salbaheng nanay!!! Hindi ako karapat dapat mabuhay! Huminga ka…okay lang iyon…sabi nila na aalangaan daw nila ang aking anak. Nagtiwala ako sa kanila! Bakit hindi? Sa Forbes naman sila nakatira at ang laki ng halaga ng pera na ibinigay nila sa akin! Ay! Ang pera! Ang daming pera! Ang aking Budoy ay magiging mayaman na! Hindi ako makatanggi dahil kailangan ko ang pera para masimulan ko ang aking negosyo sa UP. ARAY! Aaaarrrrraaaaayyyyy! Aaaaarrrruuuuuyyyyy! Ngayon masakit na ang aking katawan. Ganun na ba ako katanda? Kailangan ko ng gamot. Nasaan na iyong banig ng Alaxan? Ano ba iyong inaalala ko? Ah! Aaalis na pala si Anna papuntang Mindoro. Hindi pa niya sinasabi sa akin pero kahapon… naalala ko na ang nangyari kahapon! May isang pulang kotse sa labas ng aking tindahan. Aba! Lamborghini pa! Mahal iyon! Sosyal! May ipapakilala raw si Anna sa akin. Binata. Ang pangalan niya ay Anton at ang kanyang mga malalaki na mata ay kulay-karamelo katulad ng mga mata ni Anna. Guwapo! Ha! Natuwa ako! Dalaga na talaga ang aking baby! Nagtaka ako kung nanliligaw ba si Anton kay Anna. Maganda ‘yun! Parang anak-mayaman kasi. Baka hindi na niya kailangang umalis papuntang Mindoro. Pero magkakakilala lamang pala sila ni Anna dahil sa Bantay Bata. Nagbibigay kasi si Anton ng donasyon sa Bantay Bata. Ikinuwento ni Anton na malapit sa kanyang puso ito dahil siya mismo ay ampon. Sabi ni Anna na nagkakilala daw sila sa isang "fundreyser", kung ano man iyon. Malabo dawn na maging sila dahil may gerlprend na si Anton. Nandito lamang siya para magbigay ng isang tseke. Gayon pa man, kinausap ko pa rin siya. Malay mo magbrek sila ng gerlprend niya. Noong nag-uusap kami sabi niya na ang ganda-ganda raw ng aking tindahan at tinitignan niya ang aking tsinelas! Tinanong ko sa kanya “O, magkabarkada ba kayo ni Anna?” Sagot niya “Sorry, I don’t speak Filipino”. Ay! Coño pala! Hay! Okey lang pala na may gerlprend na siya. Masyado siyang suplada para sa aking Anna. Tinanong ko sa kanya kung saan siya nakatira. Forbes daw minsan sa Corinthians. Sosyal talaga itong batang ‘to ha! Teka lamang. Parang may natatandaan ako. Forbes…hindi ba doon…”MANANG!” May sumigaw bigla galing sa ibaba. Aray! Ang aking ulo! Nasaan na ba iyong Alaxan?! Bakit hindi ko mahanap?! Bumaba ako ng hagdanan at nakita ko ang aking kumare, ang aling na nagbebenta ng isaw sa may Palma Hall. “Kanina pa kita tinatawag manang!” daldal siya ng daldal! Sana tumigil na lamang siya, ang sakit kasi ng ulo ko. Gusto ko uminom ng Alaxan. Bakit ba siya nandito? Hindi ko ba siya nakita kahapon habang kinakausap ko si Anton at Anna. Oo nga! Nakausap ko siya! Naalala ko iyon! Pumunta siya sa aking tindahan dahil nais niyang bumili ng suka at toyo para sa kanyang isaw. Nakita niya si Anna at sinabi niya “Anna! Manang! Kamusta na kayo? Sino itong lalaking ito? Ang guwapo naman! Pero alam ninyo parang magkahawig kayong dalawa. Para bang magkambal na pinaghiwalay!” natatawa niyang sinabi. Naalala ko ang mukha ni Anton, tapos naalala ko ang mukha ni Anna… OW! ARAY! Dios ko! Sasabog na ang aking ulo! Bakit ako nagdrugs kahapon!? NASAAN NA IYONG ALAXAN? Ano ba iyong sinusubukan ko na maalala? Ano ba iyon? Ahh, ang tindahan ko, ang despedida ni Anna, tapos ito na naman ang aking madaldal na kumare! Mayroon pa ba? Ikinamot ko ang aking ulo. Hindi ko na matandaan... Bahala na! Marami pa akong gagawin! Wala akong oras para dito! Binuksan ko ang aparador habang sumisigaw na ““Anna! Anak, nasaan na iyong Alaxan?” Nasaan… ay hindi na bale, nahanap ko na pala.


1 comment:

  1. Dahil sa framing ng naratibo na nagbigay rito ng komplikasyon sa antas ng pagsasateksto kaya't binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

    ReplyDelete